Sen. Risa Hontiveros, kuntento sa pagsuspinde ng Ombudsman sa mga government official na sabit sa pagbili ng overpriced na medical supplies

Kuntento si Senator Risa Hontiveros sa ipinataw ng Office of the Ombudsman na suspensyon sa 33 opisyal ng Procurement Services ng Department of Budget and Management (PS-DBM), Department of Health (DOH) at maging ilang opisyal ng Ombudsman na dawit sa biniling overpriced medical supplies noong kasagsagan ng pandemya.

Si Hontiveros at dating senador Richard Gordon ang naghain ng reklamo sa Ombudsman noong October 2022 kung saan kalakip dito ang draft committee report mula sa isinagawang imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee sa mga overpriced na medical supplies para sa COVID-19.

Naniniwala si Hontiveros na vindicated at tagumpay ito hindi lamang sa kanilang mga mambabatas na nagtulak ng imbestigasyon noon sa Senado patungkol sa mga overpriced na pandemic supplies kundi pati na sa mga mamamayan na nagrereklamo noon sa malaking paggastos ng gobyerno sa pondo para sa pagtugon ng pandemya.


Paglilinaw ni Hontiveros, dagdag pag-asa sa kanila ang hakbang na ito ng Ombudsman para masilip ang iba pang kwestyunableng procurement ng medical supplies noong kasagsagan ng pandemya gaya na lamang sa mga biniling PPE.

Sa kautusan kasi ng Ombudsman kaugnay sa preventive suspension at pagpapaimbestiga sa 33 opisyal, saklaw lamang dito ang mga biniling overpriced na RT-PCR test kit.

Umaasa ang senadora na ang imbestigasyon ng Ombudsman ay magiging daan para masilip at matukoy ang mga mastermind at iba pang mga matataas na opisyal na nasa likod ng nasabing modus.

Facebook Comments