Nagbanta si Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality Chairperson Risa Hontiveros kay suspended Bamban Mayor Alice Guo na ipa-co-contempt siya ng Senado kapag bigo itong makadalo sa susunod na pagdinig.
Kahapon sa imbestigasyon ay inatasan na ni Hontiveros ang kanyang komite na isyuhan ng subpoena si Guo gayundin ang pamilya nito at ang iba pang sangkot sa iligal na operasyon ng POGO hub sa Bamban, Tarlac.
Babala ni Hontiveros kay Guo, kapag hindi siya makadalo sa susunod na pagdinig ay ipasa-cite in contempt niya ang alkalde.
Sinabi ng senadora na uungkatin nila ang ugnayan sa pagitan ng mga kompanya ni Guo at iba pang criminal networks at mga protector nito.
Tiniyak ni Hontiveros na ang imbestigasyon ng mataas na kapulungan ay hindi tungkol sa racism o sinophobia dahil kasama rin sa mga biktima ng torture at iba pang human-trafficking cases ang mga Chinese na nais ding tulungan ng komite.