Sen. Risa Hontiveros, naghain nang resolusyon para dalhin sa United Nations General Assembly ang isyu ng pambu-bully ng China sa West Philippine Sea

Nanawagan si Senator Risa Hontiveros sa administrasyong Marcos na himukin ang United Nations General Assembly (UNGA) na tawagin ang pansin ng China para tigilan na ang mga agresibong aksyon sa ating teritoryo sa West Philippine Sea (WPS).

Kasabay nito ang pakikiisa ni Hontiveros sa naging panawagan ni retired Senior Associate Justice Antonio Carpio sa pamahalaan na mag-sponsor ng resolusyon UN General Assembly sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA) na tigilan na ang mga pangha-harass sa mga kababayan sa WPS.

Nakapaloob ito sa inihaing Senate Resolution 659 ni Hontiveros kung saan nakasaad na ang isang UN General Assembly Resolution na bagama’t walang umiiral na batas, ay maaaring magbigay ng bigat at magsilbing pahayag at consensus ng international community na huhubog sa international norms, mag-iimpluwensya sa pambansang polisiya at magbibigay ng gabay sa tungkulin ng UN organization, specialized agencies at regional organizations.


Tinukoy ni Hontiveros na mula noong 2016 Arbitral Ruling, naitaguyod na walang ligal na basehan ang China para angkinin ang historic rights ng mga Pilipino sa kanilang mga resources.

Napatunayan din na sinuway ng China ang kanyang mga obligasyon sa ilalim ng international law nang labagin nito ang sovereign rights sa continental shelf at exclusive economic zone ng bansa.

Sinabi pa ng senadora na ang “The Hague Ruling” ay hindi madadaig ng patuloy na pagtutol at hindi pagkilala ng China sa nasabing desisyon.

Giit pa ni Hontiveros, ang tahasang pagtutol ng China na kilalanin ang desisyon ay dapat may katapat na parusa at ang UN General Assembly ay magawa dapat na sabihan ang China na umayos sa kanilang pagkilos.

Facebook Comments