Sen. Risa Hontiveros, naghayag na hindi lalagda sa committee report ng Cha-Cha

Nagpahayag si Senator Risa Hontiveros na hindi siya lalagda sa committee report ng resolusyon na pagpapatawag ng Constituent Assembly para sa isinusulong na pag-amyenda ng Saligang Batas.

Ayon kay Hontiveros, hindi siya pipirma sa committee report ng resolusyon dahil tulad sa Maharlika Investment Fund Bill ay naniniwala siyang hindi rin napapanahon ang Cha-Cha.

Para sa senadora, sapat na ang mga naunang ipinasang batas pang-ekonomiya ng Kongreso para tugunan ang mga isyung may kinalaman sa pagnenegosyo at pagbubukas ng ekonomiya sa mga dayuhang mamumuhunan.


Pero kung si Hontiveros ang tatanungin, sa tatlong paraan ng pag-amyenda ng Konstitusyon, pipiliin ng mambabatas ang Constitutional Convention o Con-Con kung saan may partisipasyon ang publiko sa paghalal ng mga delegado para amyendahan ang probisyon ng Constitution.

Kinumpirma rin ng senadora na 100 percent accurate na mayorya ng mga senador ay hindi interesado ngayon sa Cha-Cha.

Inaasahan naman na magsasagawa ang Kongreso ng executive session para talakayin ang posisyon ng bawat kapulungan tungkol sa isinusulong na pag-amyenda ng probisyon ng saligang batas.

Facebook Comments