Sen. Risa Hontiveros, nagpasalamat sa mga kapwa senador matapos mapagtibay ang resolusyon na nag-gigiit sa ating karapatan sa West Philippine Sea

Nagpasalamat si Senator Risa Hontiveros sa ginawang pakikiisa ng mga kapwa senador para maaprubahan ang resolusyon na tumitiyak sa paggiit ng ating karapatan sa West Philippine Sea at paglaban sa ating makasaysayang pagkapanalo sa Arbitration Court noong 2016.

Ayon kay Hontiveros, ang tuluyang pag-adopt ng Senado sa resolusyon para igiit ang ating karapatan sa West Philippine Sea ay napakahalagang tagumpay hindi lang ng Mataas na Kapulungan kundi ng buong Pilipinas.

Aniya, nagkrus ng party lines ang mga senador na magkakaiba ng grupo para ipamalas ang nagkakaisang posisyon ng mga mambabatas sa ating bansa.

Ipinapakita lamang aniya ng pagsisikap ng mayorya at minorya na pagdating sa usapin ng pambansang soberenya, ay hindi mabu-bully ang bansa at naninindigan tayo sa kabila ng walang palyang propaganda ng China laban sa Pilipinas.

Sinabi naman ni Senate President Juan Miguel Zubiri na mas pinalakas lamang ng Senate Resolution 718 ang posisyon ng gobyerno at ang kagandahan nito, dahil mayroong maayos na consensus at konsultasyon mula sa mga kasamahang mambabatas ay naging ‘unanimous’ sila sa isinusulong na resolusyon.

Samantala, sinabi naman ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa na ang patuloy na pagmamataas at hindi paggalang ng China sa ating nasasakupang teritoryo ay patunay lamang na hindi sapat ang ating mga protesta laban sa ginagawa ng gobyernong Tsino.

Si Senator Alan Peter Cayetano na may reservation sa resolusyon noong una ay pinuri naman ngayon ang mga senador sabay sabing mas malakas ang proposal na ito dahil sa pagbubukas ng ibang options o hakbang na pwedeng gawin ng gobyerno para i-assert o ilaban ang ating karapatan sa pinag-aagawang teritoryo na West Philippine Sea.

Facebook Comments