Nakiisa si Senator Risa Hontiveros sa ecumenical gathering na dinaluhan ng iba’t ibang organisasyon at grupo mula sa simbahan na layong tutulan ang Charter Change (Cha-Cha).
Tiniyak ng senadora na gagawin nila ang lahat ng paraan upang hadlangan at harangin ang pagsusulong ng Cha-Cha sa bansa.
Aniya, malinaw na ang Cha-Cha na isinusulong sa Senado at ang pekeng People’s Initiative (PI) ay nagsusulong lamang ng interes ng iilan laban sa ating bansa.
Naniniwala si Hontiveros na isinusulong sa bansa ang Cha-Cha para lituhin ang mga Pilipino at tuluyang hindi mapansin ang mga isyu ng katiwalian, paglabag sa karapatang-pantao, problema sa trabaho, kagutuman at kahirapan.
Dagdag pa ng mambabatas, tuloy-tuloy ang pagsasagawa nila ng pagkilos kasama ang Koalisyon Laban sa Cha-Cha upang maharang ang pagsusulong ng Cha-Cha ng Kongreso.