Humihingi ng hustisya si Senator Risa Hontiveros para sa victim-survivors ng pangaabuso ni Pastor Apollo Quiboloy na leader ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC).
Ginawa ni Hontiveros ang panawagan sa gitna ng paggunita ng International Women’s Day kung saan iginiit ng senadora na dapat na mabigyang hustisya ang sinapit ng mga kababaihang biktima ng mga pangaabuso ni Quiboloy.
Ayon kay Hontiveros, Chairperson ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality, kinailangang labanan ng mga kababaihang tumestigo laban kay Quiboloy ang kanilang kahihiyan at takot para maihayag sa publiko ang katotohanan, makamit ang hustisya at matagpuan ang kapayapaan.
Sa pagdiriwang aniya ng araw ng mga kababaihan ay matiyak ang pagbibigay ng hustisya sa bawat babaeng paulit-ulit na inabuso ng taong minsan ay tiningala nila.
Tinukoy ni Hontiveros na hindi lang mga menor de edad na Pilipinas ang diumano’y pinagsamantalahan ng pastor kundi pati ang mga dayuhan tulad ng mga Ukrainian women na pinangakuan ng maganda at mapayapang buhay sa Davao.
Nababahala ang mambabatas na nagpapatuloy pa rin ang mga pang-aabuso ni Quiboloy sa mga pastoral na naiwan sa loob ng Kingdom.