Sen. Risa Hontiveros, pabor kung lilimitahan ang confidential fund ng OVP

Kung si Senator Risa Hontiveros ang tatanungin, hindi naman niya isinusulong ang tuluyang pagtanggal sa confidential funds ng Office of the Vice President (OVP).

Sa tanong kung hindi na kailangan na magkaroon ng confidential funds ang OVP, sinagot ito ni Hontiveros na lilimitahan lang ang pagkakaroon ng confidential funds sa nasabing tanggapan.

Magkagayunman, kailangan munang i-justify ito ng opisina para mapangatwiranan kung saan ito gugugulin at hindi masasayang ang pera ng taumbayan.


Sinabi pa ni Hontiveros na sa paraang ito ay nagiging rasonable lang naman ang Kongreso at sinisikap naman nilang mga mambabatas na maging professional sa isyu.

Iginiit pa ni Hontiveros na sila sa Kongreso bilang hiwalay na sangay ng pamahalaan ay kailangan din nilang depensahan ang budget na kanilang hinihingi.

Dagdag pa ng senadora, nais lamang ng gagawing pagbusisi sa confidential funds na matiyak na ito ay mapupunta sa tamang line items, ma-a-account ng wasto, magagastos ng tama at ma-maximize ng pamahalaan ang paggamit sa limitadong fiscal space.

Facebook Comments