Sinisikap ngayon ni Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros na makakuha ng pitong bilang sa mga senador para tutulan ang isinusulong na Resolution of Both Houses No. 6 o ang pagamyenda sa economic provisions ng Konstitusyon.
Ayon kay Hontiveros, 3/4 o 18 na bilang ng mga senador ang kailangan para maipasa ang charter change habang pito lamang ang kakailanganin upang tuluyang maibasura ito.
Duda ang senadora na makakakuha agad ng 18 boto ang Senado pabor sa chacha.
Naniniwala si Hontiveros na may mga kasamahang senador mula sa mayorya ang sa pakiramdam niya ay hindi rin ganap na sumusuporta sa chacha.
Ngayon pa lang ay tiniyak ni Hontiveros na tutol na siya at si Senate Minority Leader Koko Pimentel sa chacha kahit pa ang sinasabi ay economic provisions lang ang aamyendahan.
Wala pa namang mabanggit na pangalan ang senadora kung sino sa kanyang mga kasamahan ang posibleng tutol sa chacha pero umaasa siyang mabubuo niya ang pitong bilang kontra sa RBH6.