Bukas si Senator Robin Padilla sa posibilidad na Constitutional Convention (Con-Con) ang mas gusto ng taumbayan na paraan para amyendahan ang political provisions ng Constitution.
Bagama’t Constituent Assembly (ConAss) at pag-amyenda lang sa economic provisions ang isinusulong ni Padilla, titingnan naman sa ikakasang public hearing ng Senado kung talagang Con-Con ang gusto ng publiko at kung talagang nais ng taumbayan na baguhin ang porma ng gobyerno.
Ayon kay Padilla, sinasabi ng Kamara na kaya nila isinusulong ang Con-Con ay dahil ito ang hinihingi ng publiko mula sa resulta ng isinagawang public hearings at consultations.
Dagdag pa rito ang sinasabi ng Kamara na hinihingi umano ng mga mamamayan ang pagbabago sa porma ng pamahalaan at ang term extensions.
Kung ito aniya ang lalabas sa kanilang pagdinig ay handa si Padilla na gawin sa pamamagitan ng ConCon ang pagamyenda sa Saligang Batas.
Magkagayunman, nanindigan pa rin si Padilla na mas dapat unahin ang pag-amyenda sa economic provisions dahil ito ang mas kailangan ng bansa.
Bukod dito, mas pabor pa rin siya kung ConAss ang paraan ng amendments dahil mas matipid at mas madali itong isakatuparan kung ikukumpara sa Con-Con na ilang bilyong piso ang gagastusin at mahabang panahon pa ang bubunuin.