Sen. Robin Padilla, iginagalang ang posisyon ng mga kapwa senador sa Cha-Cha

Iginagalang ni Senator Robin Padilla ang posisyon ng ilang mga kasamahan sa Senado patungkol sa isinusulong niyang pag-amyenda sa economic provisions ng Konstitusyon.

Ayon kay Padilla, may-akda ng Resolution of Both Houses no. 3, iginagalang niya ang opinyon at mungkahi ng mga kapwa senador sa panukalang Charter Change (Cha-Cha).

Pero apela ng mambabatas sa mga kasamahan sa Mataas na Kapulungan, basahin muna ang inihain niyang resolusyon para maliwanagan sa itinutulak niyang pag-amyenda sa economic provisions.


Batid ni Padilla na may mga batas na ipinasa noong 18th Congress, ang Public Service Act at Trade Liberalization Act, pero iginiit ng senador na magiging hadlang sa pagpasok ng mga dayuhang mamumuhunan ang sinasaklawan at mga limitasyon sa economic provisions ng Saligang Batas na maaaring pagbatayan ng legalidad at posibleng makahadlang sa pagpasok ng mga foreign investors.

Dagdag pa ni Padilla, malinaw rin sa kaniyang resolusyon na wala siyang inilagay dito na patungkol sa politika tulad ng term extensions at pagbabago ng porma ng gobyerno.

Hirit pa ng senador, maliwanag naman na ang Konstitusyon ang pinakamataas na batas sa bansa at hindi ito maaaring amyendahan ng mga regular na batas tulad sa mga nabanggit ng nakalipas na Kongreso.

Facebook Comments