Naghain si Senator Robin Padilla ng resolusyon na humihimok sa Senado na ipagtanggol si dating Pangulong Rodrigo Duterte laban sa planong imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC).
Matatandaang inihain ang kaparehong resolusyon na ito sa Kamara sa pangunguna ni Senior Deputy Speaker Gloria Macapagal-Arroyo.
Sa Senate Resolution 488 na inihain ni Padilla, hiniling nito sa Senado ang “unequivocal defense” o walang pag-aalinlangan na ipagtanggol ang dating pangulo mula sa anumang imbestigasyon at prosekusyon ng ICC.
Iginiit ni Padilla na mayroong gumagana at independent na judicial system ang bansa dahilan kaya hindi na kakailanganin ang panghihimasok pa rito ng ICC.
Binanggit din ng senador na bumuti ang ‘peace and order’ ng bansa dahil sa ‘holistic’ at ‘whole of nation approach’ ng nakaraang Duterte administration laban sa insurgency at pagsugpo sa iligal na droga at ito ay nagdulot ng paglago sa exports at investments sa Pilipinas.
Nitong Enero ay muling iginiit ng ICC na bubuksan nila ang imbestigasyon sa ‘war on drugs’ ng nakalipas na pamahalaan dahil sa hindi sila kuntento at tiwala sa pagsisiyasat na ginagawa ng bansa.