Sen. Robin Padilla, naglabas ng audio clip na may boses umano ni Usec. Claire Castro; pero senador, pinayuhan na isumite ito sa NBI para masuri

Napangaralan ni Senate President Tito Sotto III si Senator Robinhood Padilla sa paglalabas nito ng audio clip na pinadala lamang sa kanya sa gitna ng pagtalakay ng 2026 budget ng Presidential Communications Office (PCO).

Sa gitna ng budget deliberation ay kinwestyon ni Padilla ang PCO kung nagpapatakbo ba sila ng troll farm at kasabay nito ay ipinarinig niya ang isang audio clip ng dalawang babaeng naguusap tungkol sa paghingi ng budget para sa mga blogger pero palpak naman ang trabaho.

Tanong ni Padilla sa PCO kung may alam ba sila tungkol dito at batay sa nakuhang impormasyon, boses ito ni PCO Usec. Claire Castro na kausap ang isang babae na siyang humahawak sa mga blogger.

Pero, pinayuhan ni Sotto si Padilla na sa halip na magbanggit ng pangalan na hindi naman sigurado, isumite na lamang ang audio clip sa NBI para maisailalim sa voiceprint upang matukoy kung tunay o gawa lang ng AI ang boses.

Magiging unfair o hindi patas aniya kay Atty. Castro kung i-a-assume o aakalain na siya talaga ang boses gayong hindi naman ito napapatunayan pa.

Samantala, itinanggi naman ni Senator Loren Legarda na siyang dumipensa sa PCO budget, na walang mine-maintain na troll farm operations ang Marcos administration.

Facebook Comments