Umapela si Senator Robin Padilla na itigil na ang politikal na isyu sa kanya kaugnay sa IV drip ng kanyang asawang si Mariel Padilla.
Matatandaang umani ng batikos mula sa mga netizens ang viral post ni Mariel Padilla na nagpapa-IV drip sa loob ng tanggapan sa Senado na kalaunan ay sinabi niyang vitamin C intravenous drip at hindi gluta drip.
Ayon sa senador, itigil na sana ang isyu dahil maraming paksa ang mas dapat na pag-usapan tungkol sa bansa at hindi ang tungkol sa isyung ito.
Samantala, nagpadala na rin ng liham si Padilla sa tanggapan ni Senate President Juan Miguel Zubiri at kay Senate Ethics Committee Chairperson Senator Nancy Binay para ihingi ng paumanhin ang pagsasagawa ng vitamin intravenous drip sa loob ng kanyang opisina.
Naunang nagpadala ng parehong liham ang senador sa opisina ng Sergeant at Arms at sa director ng Medical at Dental Bureau ng Senado para ihingi ng tawad ang nangyari na kinabibilangan ng kanyang asawa.
Pagtitiyak ni Padilla, iginagalang nila ang mga patakaran na umiiral sa loob ng gusali ng Senado at makaaasang hindi na mauulit ang kaparehong pangyayari.