Sen. Robin Padilla, sasama kina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Senator Bato dela Rosa sa kulungan kapag inaresto ng ICC

Sasama umano si Senator Robin Padilla sa bilangguan kapag naipakulong ng International Criminal Court (ICC) sina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Senator Ronald “Bato” dela Rosa.

Sa pulong balitaan sa Senado, sinabi ni Padilla na nakakainsulto ang ICC sa gustong gawin na paimbestigahan ang drug war ng nakaraang gobyerno.

Tila ipinararating ng ICC na hindi marunong mag-isip ang Pilipinas gayong mayroon naman itong sariling justice system na patuloy na nagiimbestiga sa mga kasong may kinalaman sa drug war noon.


Kung maipakulong ng ICC si dating Pangulong Duterte at Dela Rosa, sinabi ni Padilla na sasama siya sa kulungan dahil sila ay walang iwanan at siya rin ay sumuporta noon sa drug war ng dating Duterte administration.

Minaliit ng senador na muling mabilanggo dahil sanay naman na aniya siya sa kulungan at kung sa abroad man makukulong ay tiyak na masarap ang pagkain doon.

Hinamon naman ni Padilla ang ICC na huwag masyadong pukulan ang Pilipinas at sa halip ay mas dapat nitong unahin ang problema at gulo sa mismo nilang bakuran.

Facebook Comments