Tanggap ni Senator Robin Padilla sakaling hindi maiakyat sa plenaryo ang kanyang isinusulong na pagpapatawag ng Constituent Assembly (ConAss) para sa pag-amyenda ng economic provisions ng 1987 Constitution.
Aminado si Padilla na posibleng mga senador na miyembro lang ng kanilang partido na PDP-Laban ang lalagda sa committee report ng panukala.
Sakaling ganito ang mangyari ay wala na umano siyang magagawa, basta’t ang mahalaga ay ginawa niya ang lahat ng kanyang makakaya para maisulong ang sa tingin niyang kinakailangang amyenda sa Saligang Batas para umunlad ang ekonomiya.
Sinabi pa ng Chairman ng Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes na hindi niya ugaling manligaw ng mga kapwa senador para suportahan ang isinusulong niyang Charter Change (Cha-Cha) via ConAss.
Dagdag pa ni Padilla, igagalang din niya kung anuman ang maging desisyon o posisyon dito ng mga kasamahan niyang senador.
Pagkatapos naman ng Semana Santa ay target ng senador na maayos na ang draft ng committee report para mapaikot at mapapirmahan na ito sa mga mambabatas.