
Muling nagbanggaan sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Commit tee sina Senator Rodante Marcoleta at Prosecutor General Richard Fadullon kaugnay pa rin sa pamantayan ng Department of Justice (DOJ) ng aplikante para sa witness protection program (WPP).
Ito’y makaraang igiit muli ni Marcoleta na hindi requirement ng batas na kailangan ng restitution o pagbabalik ng ninakaw bago tanggapin sa programa.
Hanggang ngayon kasi ay hindi pa tinatanggap ang mag-asawang Curlee at Sara Discaya.
Ngunit ipinunto ni Fadullon, na bahagi ng kasunduan ang pagsasauli ng bahagi ng ninakaw na pondo at katunayan ay mayroon nang mga nagsauli ng pera mula sa gobyerno.
Samantala, hiniling naman ni Senator Risa Hontiveros na pilitin si Curlee Discaya na isumite ang kanilang ledger at listahan ng joint venture mula 2016 hanggang 2022 na matagal nang hinihingi ng komite.
Katwiran ni Discaya, hindi na niya nakuha ang mga ledger at iba pang listahan dahil ipinadlock ng Pasig LGU ang kanilang opisina.










