Sen. Rodante Marcoleta, hindi natatakot kay Cong. Martin Romualdez

Iginiit ni Senator Rodante Marcoleta na hindi siya takot kay dating Speaker Martin Romualdez.

Sa gitna na rin ito ng paglantad ng surprise witness na dinala ni Marcoleta sa Senado sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee na si dating Philippine Marines Technical Sergeant Orly Regala Guteza kung saan isiniwalat nito na naging tagabuhat siya ng “basura” o milyong-milyong halaga ng pera na nakasilid sa mga maleta at ito ay inihahatid sa bahay ng nagbitiw na si Cong. Zaldy Co at Romualdez.

Ayon kay Marcoleta, iisa lang ang layunin ng imbestigasyon at ito ay ang matukoy ang utak ng maanomalyang flood control projects.

Sinabi pa ng senador na maaaring sa kapulungang ito ay maraming takot kay Romualdez pero nilinaw niyang hindi siya kasama sa mga natatakot sa kongresista.

Matapos kasing tumestigo sa Senado ni Guteza ay bigla na lamang itinanggi ng abogada na si Atty. Petchie Rose Espera na siya ang nagnotaryo ng testimonya ng dating sundalo.

Pero sa privilege speech ni Marcoleta ay ipinakita niya sa plenaryo ang pagkakapareho ng dokumento ng sinumpaang salaysay ni Guteza at isa pang ibang dokumento na pareho ang impormasyon ng pagkakanotaryo ng abogada.

Nagbanta si Marcoleta na kung tatalikuran ng abogada ang kanyang pirma ay mapipilitan siyang i-prosecute at ipa-disbar ito.

Facebook Comments