
Pumalag si Senator Rodante Marcoleta sa naging alegasyon ni Senate President Tito Sotto III sa isang media interview na in-edit umano ang affidavit ng magasawang contractor na Pacifico at Sarah Discaya.
Kung matatandaan sa naging pagdinig ng Senado ay may binasang sworn statement ang mga Discaya kung saan binanggit nila ang pangalan ng mga kongresistang sabit sa maanomalyang flood control projects.
Giit ni Marcoleta, ano ang naging basehan ng Senate president para i-judge na in-edit ang affidavit ng mga Discaya.
Punto ng senador, seryosong akusasyon ito ni Sotto at hindi sila dapat nanghuhusga dahil ito ay nasa appreciation o paghatol ng korte.
Naniniwala si Marcoleta na may matibay na sandigan at pasok sa requirements ng witness protection program ang mga Discaya salig na rin sa Republic Act 6981.
Pero nang matanong kung bakit si dating Bulacan Asst. District Engineer Brice Hernandez ay na-contempt kung hindi naman pala saklaw ng trabaho ng mga senador na i-judge kung nagsisinungaling o hindi ang isang resource person, katwiran dito ni Marcoleta, mayroong mga dokumentong nakuha mula sa Okada na malinaw na nakasaad ang pagwawaldas ng daang-milyong pisong pera ng taumbayan at mayroong Land Transportation Office (LTO)-issued ID na gumagamit ng ibang pangalan pero mukha ni Hernandez ang nasa litrato.









