Sen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa, napikon na naman sa pagdinig ng Senado tungkol sa ₱6.7 billion shabu haul

Muling napikon si Committee on Public Order and Dangerous Drugs Chairman Senator Ronald “Bato” dela Rosa sa pagpapatuloy ng pagdinig patungkol sa ₱6.7 billion shabu haul na nasa pag-iingat ni Master Sgt. Rodolfo Mayo Jr.

Sa gitna ng pagdinig ng Senado, nakwestyon ni Dela Rosa si Senior Master Sgt. Marian Mananghaya kung papaano nito nalaman na ₱1.7 million ang laman ng isang maleta na kasama sa nakumpiska sa lending company sa Maynila noong October 2022 kung saan din nakuha ang 990 kilos ng iligal na droga na nakatago kay Mayo.

Nagtataka si Dela Rosa dahil kung hindi kasama si Mananghaya sa operasyon noong nakaraang taon ay saan o kanino nanggaling ang impormasyon na ₱1.7 million ang halaga na laman ng isang maleta.


Tugon ni Mananghaya, hindi aniya siya kasama sa nakakuha ng pera at ang impormasyon ay usap-usapan at nabalitaan lamang niya.

Nang hindi mabanggit o mapangalanan ni Mananghaya kung sino ang nagsabi sa kanya ng naturang impormasyon, sinabihan siya ni dela Rosa na “Marites” pala siya.

Dito na napikon ang senador dahil malakas ang loob ni Mananghaya na magsabi noon ng halaga na laman ng maleta gayong hindi pala nito nakita o nahawakan man lang ang pera.

Sinabi pa ni Mananghaya na ang nasabing impormasyon ay mula sa ‘case build up’ na ginawa nila at wala silang informant.

Nagbanta si Dela Rosa kay Mananghaya na kapag hindi pa nagsabi ng katotohanan ay mapipilitan na siyang ipa-‘cite in contempt’ ito at siya ang kauna-unahang babaeng pulis na mapapakulong sa loob ng Senado.

Facebook Comments