Manila, Philippines – Inihahanda na ni Senate Majority Leader Tito Sotto ang pagsasampa ng cyber-libel case laban sa mga taong nasa likuran ng fake blog na bumatikos sa pitong Senador.
Ito ay dahil sa hindi nila pagpirma sa resolusyng isinulong ng opposition senators na humihiling sa Duterte administration na tuldukan ang mga kaso ng pagpatay kung saan biktima na rin ang mga menor de edad.
Diin ni Sotto, hindi niya mapapatawad ang mga taong ito makaraan na siya’y tirahin ng pekeng balita sa social media.
Para kay Sotto, malinaw na ang grupong ito at ang kanilang operasyon ay bahagi ng destabilisasyon laban sa administrasyon.
Paliwanag ni Sotto, lahat ng kanilang paninira sa ilang majority senators ay tiyak na tutumbok kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Idinagdag pa ni Sotto na may impormasyon silang natanggap na isang senador ang may kinalaman sa nadiskubreng fake news blog group.