
Handa si Senator Tito Sotto na maitalagang minority leader sakaling hindi palarin na maging Senate president sa 20th Congress laban sa katunggaling si Senate President Chiz Escudero.
Ayon kay Sotto, maganda rin ang papel ng pagiging minorya sa Senado at hindi naman ito bago sa kanya.
Aniya, noong 2001 matapos mapatalsik si dating Pangulong Joseph Estrada ay kasama siya sa naging bahagi ng minority bloc sa Mataas na Kapulungan kasama si dating Senate President Nene Pimentel.
Dahil sa karanasang ito ay tiyak si Sotto na handang-handa siyang pamunuan ang oposisyon sa Senado kung hindi man siya ang mapipiling Senate president ng susunod na Kongreso.
Sinabi ni Sotto na tuloy pa rin ang kanyang pagtakbo bilang Senate president sa 20th Congress pero ang desisyon dito ay nasa kamay o depende sa kagustuhan ng mga kasamahan sa Senado.









