Naniniwala si Senator Francis Tolentino na umiiwas lamang ang China sa isyu ng ginawang coral harvesting nito sa West Philippine Sea (WPS) na nauwi sa pagkasira ng mga bahura sa Rozul Reefs at Escoda Shoal.
Kahapon ay nagpahayag ang Chinese Foreign Ministry sa Pilipinas na tigilan na ang “political drama” matapos na sabihin ng Office of the Solicitor General (OSG) na plano nilang maghain ng reklamo laban sa Beijing bunsod ng ginawang pagsira ng Chinese militia vessels sa ating coral reefs sa WPS.
Ayon kay Tolentino, sinusubukan ng China na iwasan ang coral harvesting issue lalo pa’t hindi lang basta sa mga larawan makikita pero batay na rin sa mga science-based proof ay napatunayan na ang pagkasira ng mga bahura ay hindi dulot ng malakas na alon kundi gawa ng tao.
Binigyang diin ni Tolentino na bagamat ‘subject to proof’ o hindi pa napapatunayan, ngunit batay sa initial findings ay posibleng may kinalaman sa pagwasak ng reefs ang China.
Giit pa ng chairman ng Senate Committee on Maritime and Admiralty Zones, hindi maikakaila na ang China lang ang pwedeng magkainteres sa lugar dahil ang Escoda o Sabina Shoal ay isang guard post na kailangang daanan bago makarating sa Ayungin Shoal.
Ang mga nabanggit na lugar ay itinuturing na strategic locations na maaaring pagkunan ng gas at oil.
Idiniin pa ng mambabatas na dapat magsampa na ng reklamo ang Pilipinas laban sa China at mag-demand ng kabayaran mula sa pinsalang ginawa ng China sa ating marine resources sa WPS.