Sen. Tolentino, dinepensahan ang mga kapwa senador na nagsuot ng West Philippine Sea shirt sa laban ng Pilipinas at China sa FIBA World Cup

Dinepensahan ni Senator Francis Tolentino ang mga kapwa senador na nagsuot ng West Philippine Sea shirt sa match ng Gilas Pilipinas laban sa China sa FIBA World Cup nito lamang Sabado.

Matatandaang umani ng batikos sa social media ang pagsusuot ng ilang senador ng WPS shirt habang nanunuod ng laban ng Pilipinas at China dahil para sa ilan ito ay friendly game lamang at hindi dapat haluan ng pulitika.

Pagtatanggol ni Tolentino sa mga kasamang mambabatas na nagsuot ng West Philippine Sea shirt, ito ay karapatan sa malayang pagpapahayag ng damdamin at paraan na rin ng pagpapakita ng pagkakaisa ng mga Pilipino


Giit ng senador, walang masama sa ginawa ng mga mambabatas na pagpapakita ng paniniwala na sa atin ang West Philippine Sea kahit pa sa FIBA.

Hindi rin aniya ito ang unang pagkakataon na may nagsuot ng West Philippine Sea shirt sa nasabing sporting event kung saan sa opening pa lang ng FIBA World Cup 2023 sa Philippine Arena ay may ilan na siyang nakita na nakasuot ng parehong shirt na kulay pula.

Ang mga senador na nakitang nakasuot ng WPS shirt noong laban ng Pilipinas at China ay sina Senate President Juan Miguel Zubiri, Senate Majority Leader Joel Villanueva, Senator Bato dela Rosa at Senator Bong Go.

Facebook Comments