Sen. Tolentino, inirekomenda sa public order committee ang posibilidad na ipagpaliban ang BSKE sa Negros Oriental

Iminungkahi ni Senator Francis Tolentino na ipagpaliban ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) ngayong taon sa Negros Oriental.

Sa pagdinig ng Senado patungkol sa karumal-dumal na pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo, iminosyon ni Tolentino na ipatawag sa susunod na committee hearing si COMELEC Chairman George Garcia para malaman ang opinyon sa rekomendasyong i-postpone muna ang Barangay Elections sa probinsya.

Nababahala si Tolentino na kung matuloy ang Barangay Election sa Negros Oriental ay posibleng magdulot pa ito ng karagdagang karahasan sa lalawigan.


Aniya, batid naman na kapag sa mga probinsya mas mainit pa ang halalan sa mga barangay.

Kung maipagpapaliban ang BSKE sa lalawigan, ay makakapag-focus ang Sandatahang Lakas at mga awtoridad sa eleksyon sa ibang mga lugar.

Bukod dito, kumpyansa ang senador na magkakaroon ng malakas na momentum ang ating peacekeeping forces para mapanatili ang ‘law and order’ sa Negros Oriental.

Sinang-ayunan naman ni Pamplona Mayor Janice Degamo ang mosyon ni Tolentino na pag-usapan ang pagpapaliban sa Barangay Election para matutukan ang pagpapanatili ng kapayapaan sa kanilang lalawigan.

Facebook Comments