Iginiit ni Senator Francis Tolentino na mayroon pa ring pananagutan sa insidente ng pagkasawi ng tatlong mangingisdang Pilipino ang crude oil tanker na “Pacific Anna”.
Ito ay kahit pa sinasabi ng Philippine Coast Guard (PCG) na aksidente ang nangyari matapos na hindi makita ng mga lulan ng oil tanker ang nabanggang bangka dahil madilim ng mga oras nang maganap ang insidente.
Ayon kay Tolentino, kahit aksidente ang nangyari ay may pananagutan pa rin ang may-ari o kompanya ng oil tanker sa ilalim ng sinusunod na standards na Law of the Sea at United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Paliwanag ng senador, tulad sa UNCLOS ay nakapaloob ang “duty to render assistance” o pagtulong sa nangangailangan sa gitna ng paglalayag at “watch keeping standards” sa pag-navigate.
Aniya pa, may mga kaso sa Korte Suprema na napanagot ang kapitan at iyong mayari ng barko kahit pa aksidente lang ang nangyari.
Suportado naman ni Tolentino ang plano ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa na maghain ng resolusyon para paimbestigahan ang nangyaring trahedya sa katubigan ng Pangasinan.
Sakali aniyang makipag-areglo ang pamilya ng mga biktima at survivors sa may-ari ng oil tanker ay wala itong magiging kinalaman sa mga imbestigasyon.
Sa ngayon ay hinihintay pa ng Senado ang resulta ng pagsisiyasat ng Coast Guard sa trahedya.