Matapos ang muling paglutang ni Peter Joemel Advincula alyas Bikoy kumonsulta na si Senator Antonio Trillanes IV sa kanyang mga abogado para pag-aralan ang pagsasampa ng kaso laban dito.
Ito ang sinabi ni Trillanes matapos siyang idawit kabilang na ang ibang miyembro ng oposisyon sa pagpapalabas ng kontrobersyal na video para pabagsakin si Pangulong Rodrigo Duterte.
Giit ni Trillanes, lahat ng mga ito ay pawang pang-ha-harass ng administrasyon sa mga miyembro ng oposisyon.
Ayon naman kay Liberal Party President Francis “Kiko” Pangilinan, hindi na bago sa kanya sa mga kasinungalingan ng administrasyon.
Hindi na rin aniya siya magtataka kung dinadamay pa ng administrasyon ang LP tulad ng nangyari noong nakaraang taon na may ouster plot umano laban sa Pangulo.
Kumbinsido rin si Pangilinan na nililihis lamang ng administrasyon ang tunay na isyu na walang malalaking isda ang nakukulong sa kampanya ng Pangulo laban sa illegal na droga.