Naghain ng panibagong reklamong plunder sa Department of Justice o DOJ si dating Sen. Antonio Trillanes IV laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, dating Special Assistant to the President na ngayon ay Senador Bong Go.
Kaugnay ito sa P17 billion na kontrata para sa pagbili ng dalawang barkong pandigma ng Philippine Navy.
Sinabi ng dating opisyal na maanomalya ang pagbili dahil sa binago ang mga nilalaman ng kontrata na pumasa sa bidding na kontra sa mga idineklarang pangangailangan ng Philippine Navy.
Aniya, dahil sa pagpalag ng Navy noon ay ipinag-utos umano ni Duterte ang pagsibak sa dati nitong flag-officer-in-command.
Kasama sa mga inireklamo sa DOJ si dating Navy Chief Admiral Robert Empedrad at iba pang mga opisyal na may kinalaman sa pagbili ng makabagong mga barkong pandigma mula South Korea.