Manila, Philippines – “Buti naman umamin sya na sinungaling sya”.
Ito ang reaksyon ni Senator Antonio Trillanes IV sa pag-amin ni Pangulong Rodrigo Duterte na inimbento lang nito ang Singapore bank account number ng Senador.
Diin ni Trillanes, nanalo si Pangulong Duterte base sa propaganda at kasinungalingan.
Umaasa si Trillanes na ang pag-amin ni Duterte ay magiging daan para maliwanagan na ang mga Pilipino na naloko at patuloy na niloloko ng pangulo.
Bago umamin si Pangulong Duterte ay napatunayan kahapon ni Senator Trillanes na hindi totoo ang nasabing account sa DBS Bank Alexandra Branch sa Singapore na may 193,000 na laman.
Personal na nagtungo si Trillanes sa nasabing bangko at pinahanap ang account.
Pero sinabi kay Trillanes ng manager ng bangko na wala sa record nila ang nabanggit na account at hindi nila kliyente ang Senador.
Binigyang diin ni Trillanes na malinaw na nagsisinungaling si Duterte at gumagawa lang ng mga paratang para siya ay sirain.
Kumbinsido si Trillanes, na ito ang paraan ni Duterte para ilihis ang atensyon sa pagkakasangkot ng kanyang anak na si Vice Mayor Paolo Duterte sa illegal drug shipment at smuggling sa Bureau of Customs at sa pagkakaroon ng bilyon bilyong pisong deposits sa BPI.
Hamon ni Trillanes kay Duterte, sa halip na magpalusot ay makabubuting pumirma na lang ito ng waiver para mabuking ang umano’y pagiging kurakot nito.