Sen. Tulfo: Coast Guard at MARINA, dapat masampolan sa trahedyang nangyari sa Rizal

Hiniling ni Senator Raffy Tulfo na masampolan ang Philippine Coast Guard (PCG) at Maritime Industry Authority (MARINA) sa nangyaring trahedya na pagtaob ng bangka sa Binangonan, Rizal na ikinasawi ng 27 katao.

Ayon kay Tulfo, paulit-ulit na lang ang ganitong insidente sa katubigan at palagi na lang mga maliliit na tripulante ng lumubog na barko o bangka ang nakukulong pero ang mga may-ari ay patuloy na nakakalusot.

Masaklap pa aniya ay puro lamang din imbestigasyon sa kapabayaan ng PCG at MARINA ang nangyayari at wala pa talagang nasasampulan sa kanila.


Malinaw aniya na mayroong kapabayaan ang PCG at MARINA sa nangyaring insidente at sa pagkasawi ng maraming buhay sa lumubog na bangkang Princess Aya.

Aniya, nangyari ang trahedya dahil sa gitna ng masamang panahon at kawalan ng sapat na life vest ay pinayagan ng mga nabanggit na ahensya na maglayag ang lumubog na bangka.

Dahil dito, bumabalangkas na si Tulfo ng resolusyon upang papanagutin sa batas ang mga tauhan at opisyal ng PCG at MARINA sa ngalan na rin ng command responsibility sa tuwing may tumataob o lumulubog na sasakyang pandagat nang dahil sa kapabayaan.

Facebook Comments