Ibinulgar ni Senator Raffy Tulfo sa pagdinig ng Senado na may isang indibidwal ang nag-invest ng P90-M para manalo sa P640-M sa lotto.
Ayon kay Tulfo, ang taong kanyang tinutukoy ay nag-invest ng tatlong outlets sa Binondo na tig P30-M ang halaga bawat isa at ito ay tumaya sa ‘system 12’ ng lotto.
Aniya pa, ilang araw lamang nang mag-invest ang taong iyon ay saka naman dinagdagan ng PCSO ng P500-M ang jackpot prize ng system 12 na P140-M.
Sinabi ni Tulfo na wala naman siyang nakikitang iligal kung ang isang tao ay tatayaan ang lahat ng numero na possible combinations sa lotto subalit ang nakikita niyang problema ay bago mag-invest ng P90-M ang nag-invest ay saka tinaasan ang jackpot prize at ginawang P640-M.
Hinihinala ng senador na ito ay para ma-accommodate ang inilabas na capital sa mga binuksang lotto outlets at kumita pa dahil sa malaking tubo na natira.
Hindi naman binanggit ni Tulfo kung kailan at kung sa tatlong outlets ba na binuksan nanggaling ang nanalo ng P640-M.
Paliwanag naman dito ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Mel Robles, hindi naman ilang araw lang ay tumaas na ang prize fund at hindi rin naman agad ay tinamaan ang jackpot at inabot pa ng 15 araw bago may nanalo.