Sen. Tulfo, ibinunyag sa pagdinig ng Senado na may isang lotto winner na 36 beses na nanalo noong nakaraang taon; PCSO, nilinaw ang isyu!

Ipinakita ni Senate Committee on Games and Amusement Vice Chairman Raffy Tulfo sa pagdinig ng komite ang isang lotto winner na 36 beses na nanalo noong nakaraang taon.

Sa ipinakitang detalye ni Tulfo, si “Person B” ay walong beses na nanalo noong Hulyo, siyam na beses noong Agosto, dalawang beses noong Setyembre, apat na beses noong Oktubre, siyam na beses noong Nobyembre at apat na beses noong Disyembre 2023.

35 sa panalo ni “Person B” ay tig P225,000 habang isang beses naman ang panalo nito na P450,000 o sa kabuuan aabot ng P8.3 million ang panalo.


Nang matanong ni Tulfo kung paano nangyari ito, sagot ni PCSO General Manager Mel Robles na hindi ito ang ‘lotto winner’ kundi ito lamang ang claimant na isang lotto agent sa Agusan del Norte.

Paliwanag ni Robles, lumalabas lang na mukhang maraming beses na may iisang nanalo dahil ito ang lotto agent na kadalasang pinakikiusapan ng mga bettors o mananaya para kunin ang kanilang panalo.

Pinasinungalingan din ng PCSO ang naunang pahayag ni Tulfo na may isang lotto winner na 20 beses na nanalo sa isang buwan at ayon kay Robles wala sa records nila na may isang winner na naka-20 jackpots.

Facebook Comments