Ibinulgar ni Senator Raffy Tulfo na ginagatasan o pineperahan ng Philippine National Police-Anti Cybercrime Group (PNP-ACG) ang mga dayuhang na-rescue sa isang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) hub sa Las Piñas City noong June 27.
Ang nasabing POGO hub ay ang XinChuang Network Technology Inc., na ni-raid kamakailan ng PNP-ACG dahil sa impormasyon ng iligal na operasyon kung saan mahigit 2,700 na mga manggagawa rito ang nasagip kabilang ang mahigit 1,500 na mga Filipino at mahigit 1,200 na foreign nationals mula sa Southeast Asia, Middle East at Africa.
Sa pulong balitaan, sinabi ni Tulfo na nakatanggap siya ng impormasyon mula sa kanyang mapagkakatiwalaang source sa Camp Crame at kinumpirma sa kanya na nagkakaroon ng tawaran sa pagitan ng ACG at ng mga embahada para mapauwi sa kanilang mga bansa ang mga na-rescue na dayuhan.
Aniya pa, mula nang ma-raid ang POGO establishment noong June 27 hanggang sa July 4 nang dumating at iproseso ng Immigration ang mga dayuhan, kumpyansa siya sa nakarating na report na sa loob ng mga panahon na iyon ay nagkaroon ng tawaran sa pagitan ng ACG at mga embahada kung saan pinatutubos o pinagbabayad ang mga ito bago pakawalan at ma-repatriate ang kanilang mamamayan pauwi sa kanilang mga bansa.
Maliban sa mga dayuhang ginagatasan para pakawalan at palabasin na biktima, hindi rin nakalusot ang mga Pilipinong nagtatrabaho sa POGO at hinihingian din sila ng pera kapalit na palalabasin na sila rin ay mga biktima.
Dismayado si Tulfo na ginagawang gatasan, moro-moro at lokohan na lamang ang mga ganitong raid ng mga awtoridad.
Dahil dito, maghahain si Tulfo ng resolusyon ‘in aid of legislation’ para masilip ang naturang katiwalian sa mga isinasagawang raid sa mga pinaghihinalaang establisyemento na gumagawa ng mga iligal na aktibidad.
Nais ng mambabatas na magkaroon ng reporma sa polisiya ng PNP sa paghawak at pagproseso ng mga taong naaabutan sa mga establisyementong nire-raid upang hindi na maulit ang mga kahalintulad na katiwalian na kinasangkutan pa ng ating mga awtoridad.