Sen. Villanueva, hinimok ang IATF na pabilisin ang rollout ng bakuna, at isama ang essential workers sa mga bibigyan nito

Hiniling ni Senator Joel “Tesdaman” Villanueva sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na pabilisin pa ang rollout ng bakuna laban sa COVID-19.

Ito ay upang makasabay na rin sa mga mabibigyan ng proteksyon laban sa virus ang mga essential workers tulad ng mga tindera sa palengke, mga security guard, mga namamasada sa jeep at bus, at iba pang public service personnel.

Ayon kay Villanueva na siya ring chairman ng Senate Labor Committee, tanging ang pagbabakuna ng mga medical frontliners at essential workers ang solusyon para maibalik ang sigla ng ekonomiya at ang mga trabahong nawala dahil sa pandemya.


Ginawa ng senador ang pahayag matapos ipalabas ng Philippine Statistics Authority ang datos sa unemployment sa bansa kung saan umabot sa 10.3% ang unemployed noong 2020 o katumbas ng 4.5 milyon na manggagawang nawalan ng trabaho.

Dagdag pa ni Villanueva, mas praktikal ang pagbabakuna kumpara sa pamamahagi ng ayuda, dahil protektado ang isang indibidwal na matuturukan ng gamot laban sa COVID-19.

Bukod dito, tiyak na mas mabilis rin aniya na manunumbalik ang trabaho sa ibat ibang industriya kapag dumami na ang nabakunahan.

Facebook Comments