Hindi kinukunsinti ni Senator Sherwin Gatchalian ang ginawang paglabag sa batas trapiko ng puting SUV na pagmamay-ari ng Orient Pacific Corporation kung saan board members naman ng kumpanya ang ama at kapatid ng senador.
Sa inilabas na statement ni Gatchalian, bilang public servant sa loob ng 23 taon ay palagi siyang tumatalima sa mga alituntunin at batas ng bansa.
Aniya pa, naging prinsipyo niya bilang isang lingkod-bayan sa loob ng mahabang panahon ang pagsunod sa batas sa lahat ng pagkakataon.
Dagdag pa ni Gatchalian, ang isyu patungkol sa ginawang paglabag ng SUV ay nasa kamay na ng Land Tranportation Office (LTO) at responsibilidad ng ahensiya na solusyunan ang naturang problema.
Bagama’t nagkaroon ng pagkakataon ang media na makausap tungkol sa isyu ang senador ay hindi naman kinumpirma ni Gatchalian kung sa kapatid nga niya ang Cadillac Escalade na iligal na dumaan sa EDSA busway na muntik nang makasagasa sa lady enforcer at tumakas pa sa mga awtoridad.