Sen. Win Gatchalian, pinabulaanan ang alegasyong humiling siya ng proyekto sa DPWH sa 2025 budget

Tahasan at mariing itinanggi ni Senator Sherwin “Win” Gatchalian na humiling siya sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na magpasok ng mga proyekto sa ilalim ng 2025 national budget.

Ito ay kaugnay ng kumakalat na dokumentong tinaguriang “DPWH leaks,” kung saan nakasaad umano ang listahan ng mga senador—kabilang si Gatchalian—na may hinihiling na mga proyektong isinisingit sa 2025 budget.

Iginiit ni Gatchalian na sa buong termino niya bilang senador ay hindi siya kailanman humiling ng anumang proyekto sa DPWH na isiningit o ipinasok sa pambansang badyet.

Dagdag pa niya, hindi rin niya kailanman nakita o nakausap si dating DPWH Undersecretary Maria Catalina Cabral mula nang mahalal siyang senador.

Ayon kay Gatchalian, walang kredibilidad at hindi napatunayan ang naturang alegasyon laban sa kanya.

Paglilinaw pa ng senador, kapag may mga local government unit (LGU) na lumalapit at humihingi ng tulong, ang ginagawa lamang nila ay i-refer ang mga ito sa kaukulang ahensya, dahil limitado ang papel ng mga mambabatas at wala silang kontrol sa mga magiging hakbang ng ahensya.

Facebook Comments