Naniniwala si Senator Sherwin Gatchalian na malabo siyang pumalit kay Vice President Sara Duterte bilang Department of Education (DepEd) Secretary.
Kaugnay na rin ito sa naging mungkahi ni dating Davao Oriental 2nd District Representative Joel Almario na italaga si Gatchalian bilang kalihim.
Ayon kay Gatchalian, mas nararapat si Senator Sonny Angara sa posisyong binakante ni VP Duterte dahil patapos na ang termino ng senador sa susunod na taon.
Alanganin si Gatchalian dahil mayroon pa aniya siyang apat na taon bilang senador at mas gusto niyang tapusin ito.
Kilala rin niya si Angara na isa sa adbokasiya ang edukasyon bukod sa alam na nito ang problema sa education sector at mga posibleng solusyon dito.
Bukod dito, miyembro na rin ng gabinete ang kanyang kapatid na si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian at para sa kanya, hindi na maganda kung dalawa silang magiging cabinet members ng Marcos administration.