Handa si Senate President Juan Miguel Zubiri na itaya ang kanyang posisyon bilang lider ng Senado kapag nasingitan ng pulitikal ang isinusulong na pag-amyenda sa economic provisions ng Konstitusyon.
Ginawa ni Zubiri ang pahayag para maibsan ang pangamba ng ilang mambabatas na posibleng magtangka na magsingit ng political provision kapag pinagusapan na ang Charter Change (Cha-Cha).
Giit ni Zubiri, halos lahat ng senador na kanyang nakakausap ay pabor na limitado lang sa economic provisions ang pag-amyenda Saligang Batas.
Wala rin aniyang ibang motibo ang kanilang tatalakayin at target ipasa na economic Cha-Cha.
Una rito, naghain si Zubiri kasama sina Senate President pro tempore Loren Legarda at Senator Sonny Angara ng panukalang Resolution of Both Houses No. 6 kung saan pinadadagdagan ang mga katagang “unless otherwise provided by law” sa tatlong economic provisions na pinaaamyendahan.