Sen. Zubiri, hiniling kay PBBM na sunod na tutukan ang pagpapababa sa presyo at availability ng pagkain sa bansa

Hinikayat ni Senate President Juan Miguel Zubiri si Pangulong Bongbong Marcos na sunod na tutukan sa ikalawang taon nito ang mababang presyo ng pagkain sa bansa.

Ayon kay Zubiri, bilang ang pangulo ang siyang kalihim din ng Department of Agriculture (DA) ay kailangang matutukan na nito ang ‘availability’ at pagpapababa sa presyo ng pagkain.

Iminungkahi ng senador na palakasin ngayong taon ang sektor ng agrikultura sa bansa at tulungan ang ating mga magsasaka.


Sinabi nito na kung mura ang presyo ng pagkain ay mas lalong mararamdaman ng mga Pilipino ang epekto rin ng pagbaba ng inflation na nasa 6.1% mula sa dating 8%.

Aniya, kung kailangan na mag-import ng murang pagkain sakaling kulangin ang suplay ay mahalagang ma-balanse ito upang maprotektahan ang interes ng mga magsasaka habang pinananatili ang mababang presyo ng pagkain.

Tiwala naman si Zubiri na kaya itong tugunan ng pangulo sa tulong na rin ng kanyang mga mahuhusay na tauhan.

Paalala naman ng mambabatas sa publiko, mangangailangan ng sapat na panahon para sa pangmatagalan at pagsasaayos ng sistema sa agrikultura at hindi ito parang ‘magic wand’ na sa isang kumpas lang ay ayos na ang problema.

Facebook Comments