Hinimok ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang mga awtoridad na imbestigahan ang isang drag queen na nag-viral dahil habang nakadamit ito bilang Itim na Nazareno ay sumasayaw at kumakanta ng dasal na “Ama Namin” sa isang bar.
Hiling ni Zubiri sa mga awtoridad na masusi itong pag-aralan at maaari aniyang sampahan ng reklamo na paglabag sa Article 201 ng Revised Penal Code ang mga indibidwal na makakasagasa sa kahit anong lahi o relihiyon sa pamamagitan ng pagpapalabas ng mga malalaswa o mahahalay sa play, eksena, entablado, fairs o iba pang lugar.
Para sa senador ito na ang pinakamalalang pag-abuso sa ating ‘freedom of expression’ dahil sobra itong pambabastos sa mga Kristiyano at lubos na paglapastangan sa pananampalataya ng milyon-milyong Pilipino.
Sa ngayon ay hinahanap na ni Zubiri ang pinagmulan ng video at anumang impormasyon tungkol sa lugar kung saan ito nangyari at pinag-aaralan na din ang mga posibleng paglabag sa batas dito.
Kasabay nito, nanawagan si Zubiri sa lahat na igalang ang paniniwala ng isa’t isa, mapa-relihiyon man o sa ibang bagay.