Pinakikilos agad ni Senator Grace Poe ang pamahalaan para tugunan ang pahirapang pagbiyahe ng mga commuter ngayong holiday season.
Kaugnay na rin ito sa reklamo ng mga commuter na bukod sa pahirapan ang pagsakay ay napipilitan na rin silang magbayad ng doble sa ride-hailing apps tulad ng Grab, Angkas, Joyride at iba pa para lamang hindi i-cancel ang na-i-book na sasakyan o motorsiklo.
Aminado ang chairman ng Senate Committee on Public Services sa pagtaas ngayon ng demand sa mga masasakyan habang papalapit ang Pasko at Bagong Taon na pinalala pa ng kawalan ng sapat na public transportation sa Metro Manila.
Giit ni Poe, walang dapat na sayangin na oras ang gobyerno para makipag-ugnayan na agad sa mga transport provider upang matiyak ang sapat na Public Utility Vehicles (PUVs) na ligtas at komportableng masasakyan ng riding public.
Kinalampag din ng senadora ang mga transportation official na magpa-deploy ng dagdag na PUVs tulad ng mga bus upang maibsan ang hirap sa paghihintay ng masasakyan ng mga commuter.
Pinaaaksyunan din ni Poe sa mga kaukulang ahensya ng gobyerno at sa private ride-hailing companies ang napakaraming reklamo ng pangongontrata, sobrang paniningil at booking cancellations ng kanilang riders at drivers na bumibiktima rin sa mga kawawang pasahero.
Iginiit ng mambabatas na hindi dapat maging ‘travel nightmare’ ang holiday season para sa milyon-milyong mga Pilipino.