Aminado si Senate President Juan Miguel Zubiri na tinutuligsa ng mga tao ang confidential funds ng ilang civilian agencies.
Matatandaang ang ilang ahensya na hindi naman karaniwang binibigyan taon-taon ng malaking confidential funds tulad ng Office of the Vice President at Department of Education (DepEd) ay may alokasyon sa ilalim ng 2024 national budget ng P500 million at P150 million na confidential funds.
Sa pulong balitaan, inamin ni Zubiri na pangunahing reklamo ngayon sa gobyerno ng napakaraming tao ay kung bakit maliit ang intelligence funds ng intelligence agencies pero ang civilian agencies ay nadagdagan pa ang kanilang confidential funds.
Sinabi ni Zubiri na hindi nga naman tama iyon kaya bahagi ng gagawing review ng oversight committee on confidential and intelligence fund ang hindi makatwirang distribusyon ng CIF sa ilang mga ahensya.
Dahil dito, posibleng maraming civilian agencies ang matatapyasan ang confidential funds at posibleng madagdagan naman ang intelligence funds ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA) at National Security Agency (NSA).
Target na dagdagan ang intel funds ng NICA at NSA para sa pagpapalakas ng cybersecurity lalo pa’t ang Pilipinas ay napakalantad sa mga cyber hacks at cyber-attacks.
Aniya, ngayon pa lamang sa ilalim ng Marcos administration ay nagtatag ang Armed Forces of the Philippines ng cybersecurity division na wala pang pondo at handa naman ang Senado na suportahan ito.
Ngayong araw ay nagpulong sa isang executive session ang congressional oversight committee on CIF at tinalakay pa lang ang rules ng komite.
Layon ng pag-review na malaman kung paano ginastos ng mga ahensya ang kanilang CIF at dito pagbabatayan kung dapat pa bang bigyan ulit, bawasan, dagdagan o tuluyang alisin ang nasabing pondo.