Senado, aminadong ngayon pa lang magkakaroon ng confidential fund ang DA

Aminado si Senate Committee on Finance Chairman Sonny Angara na ito ang unang pagkakataon na may alokasyon para sa confidential fund ang Department of Agriculture (DA).

Sa panukalang budget ng DA ay mayroong P50 million na alokasyon para sa confidential fund na gagamitin para palakasin ang paglaban sa smuggling.

Ayon kay Angara, mukhang ito ang unang pagkakataon na magkakaroon ng pondo para sa confidential fund ang DA dahil kahit sa mga nakaraang pagdinig sa budget ay wala siyang maalala na may ipinanukalang ganito.


Sinabi ni Angara na posibleng maging “wise investment” sa bahagi ng gobyerno ang paglalaan ng budget para sa paglaban sa agri-smuggling sa ilalim ng ahensya lalo’t ang pinag-uusapan dito ay “hundreds of billions” o “tens of billions” na halaga.

Magkagayunman, bahagi pa lang ito ng argumento kung dapat bang mabigyan ng confidential fund ang DA at ito ay kukwestyunin at pag-aaralan pang mabuti ng mga senador oras na sumalang ang ahensya sa budget deliberation.

Facebook Comments