Inamin ni Senador Imee Marcos na nanganganib na pumalo sa 800,000 senior citizens ang “waitlisted” ang hindi makatatanggap ng buwanang P1,000 social pension mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa susunod na taon.
Sinabi ito ni Marcos sa plenary deliberations ng panukalang pondo ng DSWD para sa 2025.
Ayon pa kay Marcos, nasa 622,000 ang mga waitlisted senior citizens ang hindi pa nakatatanggap ng kanilang buwang pensyon.
Tinanong naman ni Senadora Loren Legarda kung may nakalaan na bang pondo sa susunod na taon para sa mahigit 600,000 waitlisted senior citizen.
Pero sagot ni Marcos, wala pa ring pondo para sa mga waitlisted para sa 2025 at sa katunayan aniya ay nakabinbin ito noon pang 2023 hanggang ngayong taon.
Tiniyak naman ni Senadora Marcos na tuluy-tuloy na nakatatanggap ng buwanang pensyon ang mga dati nang senior citizen na nasa listahan ng DSWD.
Nilinaw din ng senadora na ang mga hindi pa nakatatanggap ay dahil sa posibleng delayed lamang ito.
Sa proposed budget ng DSWD para sa 2025, sinabi ni Social Welfare Sec. Rex Gatchalian na P5.5 billion ang inilaan para sa mga waitlisted seniors.
Gayunman, ito ay nasa unprogrammed budget at naka-depende sa pagkakaroon pa ng pondo.
Lumalabas naman na sa kasalukuyang P49-bilyong alokasyon, sapat lamang ito para sa 4 na milyong indigent senior citizens.