
Ipinag-utos ng Korte Suprema na i-consolidate o pagsamahin ang mga petisyon na inihain kaugnay ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Kasunod nito, inatasan naman ng Supreme Court (SC) ang Kongreso na magsumite ng mga dokumento at pinanumpaang impormasyon na makakatulong sa pagresolba ng mga petisyon laban sa impeachment complaints laban kay VP Sara.
Hinihingi ng Kataas-taasang Hukuman ang status ng unang tatlong impeachment complaint na isinampa ng mga pribadong indibidwal maging ang petsa kung kailan inendorso sa Kongreso ang mga reklamo.
Hinihingi rin batay sa utos ng En Banc ang impormasyon gaya ng kung may kapangyarihan ang Secretary General ng Kamara na magpasya kung kailan ipapasa sa Speaker ang na-endorso nang impeachment complaint.
Kasama rin dito ang mga katanungan at detalye patungkol naman sa Articles of Impeachment na isinumite sa Senado.
May sampung araw na ibinigay ang Korte Suprema sa Senado at Kamara para tumugon dito.









