Senado at NBI, pinagsasagawa ng parallel investigation kaugnay ng katiwalian sa DPWH

Hinihimok ni Cavite Representative Elpidio Barzaga Jr. ang National Bureau of Investigation (NBI) at ang Senado na magsagawa ng parallel investigation patungkol sa ibinulgar ni Pangulong Rodrigo Duterte na malawakang korapsyon sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ayon kay Barzaga, maaaring magsagawa ng case build up ang NBI laban sa mga indibidwal na sangkot sa “systemic” at “systematic” na katiwalian sa ahensya.

Pagkakataon din ito ng Senado para i-exercise ang kanilang legislative function matapos na tukuyin ng ilang mga senador ang malaking halaga ng lump sum fund sa ilalim ng budget ng DPWH sa 2021.


Una nang pinuna nina Senador Franklin Drilon at Panfilo Lacson ang mahigit P300 billion lump sum na nakapaloob sa P667.3 billion proposed budget ng ahensya.

Tinukoy rin ng mambabatas na mismong ang Punong Ehekutibo pa ang nagsabi na ang mga contractor at project engineer ang pinakamalaking source ng korapsyon sa DPWH.

Nababahala pa si Barzaga na ang pagpapatuloy ng korapsyon sa DPWH ay makasisira sa Build, Build, Build programs ng gobyerno lalo na kung magiging substandard o hindi maganda ang kalidad ng mga itatayong proyektong pang-imprastruktura.

Facebook Comments