Senado, bigong i-adopt agad ang resolusyon humihimok sa gobyerno na iakyat sa UN General Assembly ang isyu sa pangha-harass ng China sa West Philippine Sea

Bigo ang Senado na i-adopt ang Senate Resolution 659 o ang resolusyon na humihikayat sa gobyerno na maghain ng resolusyon sa United Nations General Assembly (UNGA) para tigilan na ng China ang pangha-harass at pambu-bully sa loob ng ating teritoryo sa West Philippine Sea.

Hindi nasunod ang naunang pangako ni Senate President Juan Miguel Zubiri na noong Martes sana o pagkatapos ng ikalawang SONA ni Pangulong Bongbong Marcos ay agad na aaprubahan ang Senate Resolution 659.

Naudlot ang nakatakda sanang pagadopt sa panukala nang mag-interpellate si Senator Alan Peter Cayetano kung saan tinukoy nito na ang Vietnam, Malaysia at Taiwan ay mayroon ding disputes sa teritoryo ng Pilipinas at kinukwestyon nito na bakit nakatutok lang sa China at hindi kasama ang mga nabanggit na bansa.


Hirit ni Cayetano, dapat idaan sa tamang paraan ang pag-address sa isyu at hindi sa ganitong paraan na ibinubunyag sa kalaban ang magiging estratehiya ng Piliipinas at posibleng mabulgar pa ang negosasyon ng Presidente.

Dahil dito, magsasagawa ng caucus ang Senado sa Lunes pagkatapos ng sesyon at kontra SONA ng Minorya para talakayin ang mga concerns na lumutang sa gitna ng sponsorship ng nasabing panukala.

Iimbitahan sa caucus sina West Philippine Sea Presidential adviser Gen. Andres Centino, National Intelligence Coordinating Agency (NICA) Chief Ricardo de Leon at Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo.

Facebook Comments