Senado, bigong magampanan ang “power of the purse”

Bigo umano ang Senado na panghawakan ang “power of the purse” at ipakita ang independence ng institusyon.

Ito ang iginiit ni Senator Risa Hontiveros matapos na maratipikahan kagabi ang ₱5.268 trillion na 2023 national budget.

Sa kabila ng pasasalamat ni Hontiveros sa pagtanggap ng Senado na mailipat ang confidential at intelligence fund ng Department of Education (DepEd), nalulungkot naman aniya siya sa sinapit sa bicam kung saan ibinalik sa dati ang inalis na CIF.


Mistula aniyang naging mapurol at pudpud ang proteksyong ibinigay sa pondo ng taumbayan at ang malala pa aniya ay pumayag ang lehislatura na alisin ang probisyon na nagoobliga sa pagrereport sa Kongreso kung paano ginamit ang CIF.

Tanong ng senadora, sa kabila ng pagbuhay muli ng Select Oversight Committee para sa CIF, paano naman aniya magagarantiyahan ang “checks and balance” kung wala ang mahalagang probisyon.

Nanghihinayang si Hontiveros na sa unang budget ng Marcos administration ay naipakita agad ng Kongreso na maiimpluwensyahan ito ng pamahalaan at sinayang ang pagkakataong ipinagkaloob para sa transparency at accountability at maliit na tsansa ng korapsyon sa paggamit ng pondo.

Facebook Comments