Mahigpit ding nakabantay ang Senado sa sitwasyon ng Mayon Volcano bunsod ng nagbabadyang tuluyang pagsabog nito.
Itinaas sa Alert Level 3 ang bulkan dahil sa tuluy-tuloy na pagbuga nito ng usok, lava at rockfall.
Ayon kay Senate President Pro Tempore Loren Legarda, nakabantay sila sa sitwasyon ng Bulkang Mayon lalo na sa mga mamamayan ng Albay at mga kalapit na probinsya na lubhang maaapektuhan sakaling tuluyang sumabog na ang bulkan.
Kinalampag ni Legarda ang mga ahensya ng gobyerno na maging handa anumang oras sakaling kailanganin ang kanilang pagresponde.
Umapela ang senadora sa mga kalapit na bayan at probinsya na maging handa sa agarang paglikas at pinatitiyak na may sapat na imbak ng pagkain at iba pang suplay na kailangan.
Sa kasalukuyan ay nakikipag-ugnayan din ang Senado sa mga ahensya upang mapaghandaan ang inaasahang tuluyang pagputok ng Mayon Volcano.
Magpapaabot din ng tulong ang Senado sa mahigit 18,000 residente na nasa loob ng permanent danger zone.