Senado, binaha ng resolusyon ng papuri at pagkikilala kay Hidilyn Diaz

Kaliwa’t kanan ang paghahain ng mga senador ng resolusyon na kumikilala at nagbibigay papuri kay Olympic gold medalist Hidilyn Diaz.

Kabilang sa mga naghain ng resolusyon ay sina Sen. Vicente Sotto III, Senators Juan Miguel Zubiri, Christopher “Bong” Go, Ramon Bong Revilla Jr., Risa Hontiveros, Franklin M. Drilon at Lito Lapid.

Naghain din ng resolisyon para kay Diaz sina Senators Nancy Binay, Richard Gordon, Imee Marcos, Joel Villanueva at Manny Pacquiao.


Nakasaad sa mga resolusyon na marapat lang nating ipagdiwang ang tagumpay ni Diaz bukod sa kauna-unahan itong Olympic medal ng bansa ay tila liwanag din ito sa gitna ng pandemya kung saan ang lahat ay nahaharap sa hamon at bantang panganib sa kalusugan.

Binibigyang diin sa mga resolusyon na ang determinasyon at pagsisikap ni Hidilyn ay magsisilbing inspirasyon sa mga kabataan at atletang Pilipino na makamit ang minimithi nating tagumpay dahil kayang-kaya nating manalo sa anumang larangan.

Nakasaad din sa resolusyon ang pasasalamat dahil hindi sinukuan ni Hidilyn ang Pilipinas kahit madaming beses nitong naramdaman na walang sumasama sa kanyang paglalakbay.

Layunin din ng pagkilala ng Senado kay Hidilyn na ipaalam sa mga atleta na sila ay pinapahalagahan, sinusuportahan at nagpupugay sa kanilang bawat pagkapanalo.

Iginiit sa mga resolusyon na inspirasyon si Hidilyn sa ating lahat at ang kanyang tagumpay ay patunay lamang na ang pusong Pinoy ay walang inuurungang laban.

Facebook Comments